Sunday, June 15, 2008

Hindi ko alam kung bakit nitong mga nakaraang araw, medyo sinusumpong ako ng katamaran. (Ows? Lagi naman e. hehehe)

After ng Black Saturday sa office, nagkita kami ng kaibigan kong paborito ang mga may disorder sa pag iisip, si Agnes (the cum laude) San pa nga ba? E di sa tambayan ng bayan, ang extension ng Letran, ang Waltermart. Bow. Nakakamiss kasi antagal namin hindi nagkita, mga 1month siguro. (Dati mga 3 months pinapalipas namin bago kami uli magkita. Nyahahah.) Nakakamiss din si Jojit (The Charcoal, the Uling, The Negro) kasi sumagot sya ng "not sure" so ibig sabihin, HINDI sya sisipot. Hindi kasi ako tumatanggap ng sagot na bisexual, it's either YES or NO, kaya pag wala dun sa dalawa ung sagot mo, automatic evicted ka na.

Nakakamiss si Agnes. Ung mga kwento nya. Ung mga tawa nya. Ung mga kalokohan naming dalawa. At syempre, mega update kami sa kwento sa isa't-isa. Mga kwento ng frustrations sa work, sa studies, sa career. Mga kalokohang pinaggagawa. Mga pangarap na gusto pa din maabot. Mga plano sa buhay. Pero wala sa lovelife. Obsolete matter ata ito sa min. Mga kinalimutang bahagi ng buhay namin. Pinaka-nakakatuwa sa kwentuhan namin, nung aminin nya na nahihirapan sya sa pag manage ng anger nya. Take note: isa syang psychologist. Lahat siguro dumadaan sa ganito. Wala namang perpektong tao. Kahit pa sabihin natin na nagmamasteral sya sa isang prestihiyosong paaralan na La Salle (Animo La salle! nyahahah), minsan talaga may mga gray part tayo sa buhay natin. Mga hindi kayang solusyunan ng mataas nating pinag aralan. Mga limitasyon. Ako nga, bilang isang inhinyero, hindi magaling magtroubleshoot ng sira ng sasakyan, lalo pa kaya yung sira ng ulo ko. Madalas nagluluwagan din mga turnilyo sa utak ko, kaya madalas palyado din ako sa ibang aspeto ng buhay ko.

Text text na lang kami ni Agnes. Hindi naman kami nabitin sa kwentuhan at kalokohan, kaya nagpagkasunduan namin magkita ulit kinabukasan at magwaldas ng salapi.

Nung gabi naman, umattend ako ng isang planning session. Mukha lang seryoso pakinggan, pero planning ito ng mga balahura pero mga kagalang-galang na kaibigan ko sa isang volunteer group nung college. Tagaytay on the 28th of June. Wow. Last bonding: Baguio. Sana tuloy-tuloy lagi. Nakakabagot na din kasi yung trabaho ng trabaho ng trabaho, nakakapagod kumita ng pera. Pag hindi ka naman nagtrabaho, wala kang panggastos. E san ka pa lulugar? Buti kung anak ka ni Pilar, madami kang pera. (ssssshhhh) Walang humpay na hagalpakan na naman habang nagmmeeting kami. Ang kulit kasi ni Jen. Alive na alive. Nagphone patch pa kay Joseph. Hahahaha. Lahat naman makulit. Parang hindi nauubusan ng energy. Ang simple lang ng buhay sa kanila. Parang lahat ng bagay nadadaan sa kalokohan. Parang lahat ng solusyon sa problema ay mga hagalpak at hagupit ng pang aasar. Walang dull moments. Nakakarecharge talaga ng energy, pagkalipas ng isang linggong subsob sa trabaho.

Linggo. Laba. Ligpit. Alis bahay. Meet Agnes ulit. Tapos sumabit si Jojit, sumabay sa van papunta sa pupuntahan namin. Mula pagsakay hanggang pagbaba, puro kalokohan pa din. (hoy Jojit, sa martes ko kukunin ung mga Gatorade ko ha. Ipahanda mo na kay Tita ung mga flavors na gusto ko. hehehe. Take note, hindi ako DEMANDING. HINDI AKO DEMANDING. OK? Pero gusto ko ung Blue Bolt at favorite ko na Tropical Flavor ha. NAIINTINDIHAN MO BA?)

Mas madami syempreng nawaldas na salapi si Agnes kase mas madami syang dala. AKo, wala e, puro pagkain lang pinagtripan ko, as usual, kapag matakaw ako, DEPRESSED. Hindi lang masyado halata, lalo naman ayoko ipahalata. Sabi ni Agnes, medyo nakakalungkot din isipin na iba na ung priorities ng mga kaibigan namin. Si Gazel, si Jojit, si Ron. Pano na lang kung busy na din ako sa ibang bagay, kagaya ng pag-ibig (ehem!), talagang kelangan magsolo. Matuto tumayong mag isa. Lahat naman siguro dumadaan sa ganito, ung unti-unting nauubos ung mga kaibigan mo, hindi dahil sa gusto ka nila iwan, kundi dahil sa kagustuhan nilang mas maranasan pa ang buhay. Hindi talaga advisable na ikulong ang mundo sa apat na sulok ng isang bagay. Minsan kailangan din lumabas para mas maraming maranasan, matuklasan at matutunan. Dumadating din sa punto na naghahanap ka ng taong makakaramay mo sa mga sandali ng iyong buhay. Hindi naman ito minamadali. Pero ung pressure ng ginagalawan mo, ang hirap kontrahin. Kulang na lang itulak ka sa kung sino-sino. E kung kayo kaya itulak namin?

Madami pa din akong katanungan sa mga pasikot-sikot ng buhay. Minsan sumusuko na ung utak ko kakaisip ng isasagot sa mga tanong ko. Walang humpay na exam. Walang pagkakataon maka syento-porsyento. Pero alam ko, hindi ko man maitama lahat ng sagot sa mga tanong ko, alam ko sa sarili ko, na sa buhay na ito, nag eenjoy ako, sa napakaraming biyaya na dumadating sa buhay ko, sa mga kaibigang walang humpay na nagmamahal, sa mga libo-libong halakhak, sa mga nakakarelaks na kwentuhan, sa mga nakakapagpalapad na kainan, at sa pagbabahagi ng mga aral at pangarap sa buhay.

Sino nga bang makapagsasabi kung hanggang kelan ako sa mundong ito? Kung bukas wala na ako, at least naging masaya naman ako.

0 comments: