share a life with me. draw with me. play with me. sing with me. read with me.
Tuesday, April 22, 2008
SAPUL
Hindi ko alam kung sino ba talaga ang nakasapul kung bakit umaapaw ang dugo ng puso ko. Nag uumapaw at pakiramdam ko... hindi ko ito kayang pigilan. Madalas hindi kami nagkakasundo ng puso ko. Madalas lagi kami nag aaway. Minsan sinabi ko na wag na kausapin yung taong un. Pero paggising ng umaga, nauna pa syang humawak ng cellphone at nag dial ng number. Ang tigas ng ulo. Ang hirap sawayin. Parang bata na kailangan lagi pagbibigyan. Kapag hindi mo naibigay ang gusto, maghapon kang mapeperwisyo, uusigin ka sa mga "dapat sana ganto.. ganun"
Nung una syang sinaksak ng punyal, nakisama ako. Nakidalamhati. Nakiluha. Pero naubos ang enerhiya ko. Pumapasok ako sa isang makulit at magulong klase na lantutay. Walang buhay. Ung mga kaklase ko... naiinis na sa kin. Wala daw akong kwenta. Ganun daw talaga ang buhay. Ang puso palaging masasaktan. Kaya dapat daw ihanda ko na ang sarili ko. Tutal, bata pa naman kami. Sa halip na magmukmok sa isang tabi, tapusin na lang namin ung 500-page na handwritten engineering lettering technical report dun sa prof namin. Awa ng Diyos, natapos ko naman. Pero ung kamay ko ata ang naging duguan.
Kaya itong pangalawa, matay ko mang pigilan syang malunod, hindi ko talaga napigilan. Kiriray kase e. Ang nakakatuwa pa nito, napakabuti nya. Mapagpasensya. Mapagpatawad. Paulit-ulit na sinaksak, tumitibok pa din. Sabi ko, magic to ah! Bakit kaya ganun. Sumusuka na ko, sige-sige pa din sya. Inabot nga ng anim na taon ung pagkadakila nya e. Pilit ko mang ibaling sa ibang bagay, wala e. Pinipihit pabalik dun sa nakasanayan. Hanggang minsan, nagulat na lang ako. Bigla na lang nya sinabi sa kin.. "Bati na tayo ha. Kung ayaw mo na, ayaw ko na din. Duguan na ko e, malalim na ang sugat. Pero wag ka ng iiyak ha. Please. Promise?"
Pinigil ko talaga ang mga luha ko. Sayang e. Sabi nga nila, wag ng iyakan ung mga tao o bagay na wala ng kwenta sa buhay mo. Dito ko napag alaman kung pano ba mamanhid. Kung pano mawalan ng pakiramdam. Kung paano maging neutral. Akala ko nung una, nag eenjoy ako. Pero parang habang tumatagal, lumalalim din pala ito. Parang nawawalan na ng halaga ung emosyon ko. Parang nawawala na ung pagkatao ko.
Pero sadya naman talagang may tutusok at tutusok sa puso ko para maibsan ang pagkamanhid. Ako naman, hinayaan ko lang. Malay ko ba, baka magkaroon ulit ng buhay. Pero sabi ko sa kanya, pigilan mo ha. Wag sige-sige. Matuto ka sa mga naunang sumaksak syo. Baka mamaya, maiwan ka ng walang buhay. Paano naman ako pag nangyari un? Pigil ng pigil. Hanggang sa nawala. Sa takot na masaksak ulit, ikinulong ang sarili sa takot ng pait ng nakaraan. Sori talaga. Un naman ang totoong dahilan e. Kaya malaya ka kung napagdesisyunan mong magpakaligaya sa puso ng iba. Ung puso na hindi nagpipigil. Ung hindi nagtatago. Ung kayang isigaw sa buong mundo na kayong dalawa ay nagkakasundo. Hindi ung puso ko na puno ng takot at pangamba. Nakita ko kung pano nya ininda ang mga sakit na tarak ng punyal. Muli, nakita ko syang lumuha, nagmukmok, pero tumayo. Hinarangan ang daluyan ng dugo. Sabi ko sa kanya. hindi ka pa kse natuto. Tigas talaga ulo mo. Kung ako lang ang masusunod, hindi ko na sila hahayaan na makalapit man lang syo. Ikaw lang naman ang mapilit. Sabi mo, baka ito na. Pero ano na, ikaw pa din ang duguan sa mga laban na pinasok mo. Sa mga gyerang hindi mo naipanalo.
Nung minsan namili ako ng para syo, nagdadalawang isip ka pa kuno. Kesyo ayaw mo, hindi sya para syo, meron naman syang iba, etc, etc. Sabi ko, ang arte mo! Malamang nasa kanya na ung mga hanap mo. Pero ayaw mo pa rin kase nga alam mong hihiramin mo lang ang kaligayahan. Ako lang ata ung nagpumilit. At naulit na naman ang nakaraan. Sumuko din ako, pero nakita kitang nakikipaglaban na para sa kanya. Hindi ko maintindihan ang mga pangyayari. Bakit ganto? Anong nangyayari syo? Hindi ko maintindihan kung bakit ikaw ang nakikiusap na ipaglaban sya, kahit alam mong wala ka naman ikakapanalo. Kung tumagos man syo ang mga masasaya at nakakakilig na ala-ala, sana ay hindi mo na lng muna ito niyakap ng husto. Kaya ngayon, magkaaway na naman tayo. Ayoko na talaga, pero pinipilit mo akong makipaglaban. Nakikita kitang umiiyak na naman, wala naman akong magawa kundi itaas ang dalawa kong kamay, o iwagayway ang banderang puti. Isinuko na din naman nya tayo, kaya pakiusap, sumuko na tayo. Mahirap ang mga labang ito. Kung hindi tayo magkakasundo sa pagsuko, bawat araw ay magiging pagluluksa sa patuloy na pag agos ng dugo. Gusto mo bang malublob sa pait ng karanasan? Hanggang kelan? Baka mamaya hindi na tayo makaahon. hindi na tayo makalangoy. Paano naman ang araw ng pagpawi ng mga luha?
Sabi nga ni tita nora, nanay ni boyti, nung matapos ang final interview ko sa Lufthansa, lahat naman daw ibinibigay sa tamang panahon. Nangingiti ako sa tuwing masasagi ito sa isipan ko. Parang energy drink, itinataas ang power ko at ang level ng self-esteem. Lahat ng bagay nangyayari ng may dahilan. May rison. May season. May pagkakataon. Akala kasi natin ung ibang bagay, un na. Sila na. Todo na. Pero hindi pala. Mahirap tanggapin ang mga kadahilanan, lalo na kung ito ung mga dahilan kung bakit patuloy na nagdurugo ang puso natin. Lalo na kung ito ang masaklap na katotohanan na nagtatarak ng punyal sa puso natin. Mahirap talaga. Pero di baga, ang pagkatuto ay nasa pagharap ng karanasan? Sa pagpapayaman ng mga pinagdaanan?Sa pagpapalakas ng puso at isipan upang maging handa sa mga hamon ng kinabukasan?
Napakadali lang naman magsalita. Pero ang hirap isagawa. Mamaya nyan mag aaway na naman kami ng puso ko. Pilit kong tinatakpan ang mga daluyan ng dugong umaagos, pero ayaw talagang magpapigil. Humahanap ng dadaluyan. Hayaan ko na lang muna kahit isang gabi. Baka kailangan lang nya talaga hugasan ang kanyang pagkato upang maging mas handa sa kinabukasan. Sa mga sakit na naranasan nya, sana ay handa na syang makipagkasundo muli sa akin. Mahaba-habang debate ang pagkakasundo ng puso at isipan. Pero kahit saan pa man abutin, alam kong magtatagpo din kami sa isang punto ng buhay ko. At hindi ko malalaman kung kailan ang tamang panahon para dun. At kung sa paanong paraan mangyayari. Ang importante, alam kong dadating ang panahon, sabay kaming ngingiti, upang harapin ang bagong yugto ng buhay, ng magkasama, magkakampi at magkaagapay...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment