Yesterday was different.
We had our annual Toyota Supplier's Club Outreach program. Yesterday, recipents for the program were disabled and mentally retarded children of Sta. Rosa.
I arrived on time at the venue. Much to my usual dismay, TSC secretariat was late. Osoi desu ne. Sigh. I was happy to get in touch again with my co-committee members. We all have our own share of sentiments with the group, but never the less, we still enjoy working together though most of the times our patience is slowly deterioting to its lowest point. haha. i miss the group. even misses them at the thought that i won't be able to join them in the christmas party that night. I need to see my Autocad class..otherwise, im doomed again.
**************
Mainit ang katanghalian. Nanunuot sa bubong at dingding ng kapaligiran ang sikat ng araw. Pero panlalamig mula sa kalooban ang nararamdaman ko.
Nakatambad sa aking paningin ang grupo ng mga batang may kapansanan: bulag, pipi, may karamdaman sa pag iisip, pilay at iba pa. Sandaling tumigil ang mundo ko. Napaisip. Naglakbay diwa. Hanggang sa naramdaman ko ang pagdurugo ng aking puso.
Makailang beses ba akong
nagtampo sa mundo? Sa dami ng mga problemang pinapasan ko sa balikat, ilang beses ko na sinubukan na huwag na lamang huminga, huwag imulat ang mga mata, huwag tumayo sa kinahihigaan? Lampas isang libo't isa o mahigit pa. Hindi ko na mabilang. Kung minsan, mga simpleng problema lamang ang ikinagugupo ng aking katatagan. Mga bagay na walang kwenta kung iisipin. Problema sa kasama sa trabaho, problema sa pag ibig, problema sa mga bagay na gusto mabili, problema sa iskedyul ng gimik. Marami- rami na ding mga problema ang dumaan sa buhay ko na hindi ko naman dapat umubos ng lakas ko, ngunit hinayaan ko. Kung kaya nung dumating ang mga totoong dagok sa buhay ko, kaunting lakas na lamang ang natitira upang makalaban ako.
Gusto kong humugot ng lakas sa mga nasaksihan ko kahapon. Mga batang may kapansanan, sa kabila ng kanilang pagkaparalisa, pinipilit makisayaw sa indayog ng buhay.
Hinandugan kami ng mga batang ito ng mumunting palabas. Kumbaga, "showcase ng talents" nila. Nakatutuwang isipin na sa kabila ng kahirapan na kanilang dinaranas, nandun pa rin ang kagustuhan maging "in". Sa bawat kembot ng mga bata sa entablado, ay may yugyog ng mga tanong na umuusbong sa aking pagkatao.
"Pano kung hindi ako ito?"
"Pano kung katulad rin nila ako?"
At madami pang iba.
Nasaan na nga ba ako? Pakiramdam ko, naliligaw ako sa aking pagkatao. Sa mga simpleng tugtog lang, masaya na ang mga batang ito. Pero bakit ako, hindi ko mahanap ang kaligayahan ko? Damn. Napalingon ako sa likod, at dun ko din namataan ang pagpatak ng luha ng kasama ko. NIlapitan ko sya, nagtinginan, at sabay kaming napangiti. Dun ko lang naramdaman na may mga luha na rin palang nangingilid sa aking mga mata.
Masuwerte ang mga batang ito. Hindi nila ramdam ang pagbaba ng piso, pagtaas ng pamasahe, ang kaguluhan sa gobyerno. Ang nararamdaman nila..ung pagmamahal ng mga taong kumakalinga sa kanila. Mga taong nagsisikap na mabuhay sila ng tulad ng nakararami. Mga taong naglalaan ng oras, pagod, hirap para matugunan ang ikinakabig ng mga puso nila: ang tumulong sa kapwa.
Isang mag ama ang nakatawag ng aking pansin. Bulag ang bata. Kitang-kita ko ang kalinga ng ama sa kanyang iyak. Bitbit ang bag na kumpleto sa mga pangunahing pangangailangan ng bata: pagkain, tubig, panyo at kung anu-ano pa. Napakaswerteng bata. Isang ubo lang, hahagudin na agad ng ama ang likod ng anak. Kelan ko ba huling naramdaman ang paghagod ng kamay ng tatay ko sa likod ko? Hindi ko na matandaan. Maaring matagal na. O maaring wala talagang naganap.
May kinausap din ako na batang babae. Isang bulag din. Walong taong gulang. Maamo ang kanyang mukha. Umupo ako sa kanyang tabi. Agad niyang inilapat ang kanyang kamay sa aking binti..sabay sabi "hello ate." Kamay lamang ang dumampi sa aking binti..pero parang isang kurot sa puso ang naramdaman ko. Sa aming pag uusap, napag alaman ko na malapit lamang ang kanyang tahanan sa sikat na sikat na Enchanted Kingdom. Napuntahan na daw nya ito, noong sya ay limang taon gulang at nakakakita pa. Nagulat ako. Hindi makapagsalita. Niyakap ko na lang ung bata. Gaano kasakit ang isang umaga na hindi mo na makikita ang mga bagay sa iyong paligid. Nakalulungkot isipin na sa maghapon, ang dating punung puno ng kulay na paningin ay isang itim na kambas na lamang na pang habang buhay. Naisip ko tuloy ung mga sandali sa buhay ko, na ninais kong huwag masilayan ang mga tao at bagay na nakapagdudulot ng inis at galit sa akin. Mga nakapikit na sandali ng buhay ko, dahil may takot akong harapin at silipin ang pait at hapdi ng mga pagkakataon.
Sinong nagnanais na maging bulag sa mga hamon ng mundo? Habang ang mga ibang tao ay lubos ang pagnanais na masilayan ang ganda ng buhay.
Masuwerte nga ba tayo? Sa normal na ating pag aakala? O baka tayo ang totoong may kapansanan sa ating pagkatao?
share a life with me. draw with me. play with me. sing with me. read with me.
Saturday, December 8, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment